SA isang pag-aaral na isinagawa ng UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights na tinawag nilang Concluding Observations on the Philippines’ implementation of the International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR), lumalabas na nananatili ang korapsiyon sa maraming sangay ng pamahalaan. Bagamat may mga pagkilos para labanan ang korapsiyon lumalaganap pa rin ito. Isinagawa ang pag-aaral sa Geneva, Switzerland noong nakaraang Pebrero 18, 2025.
Ayon pa sa pag-aaral, bagama’t may mga ahensiya ng pamahalaan na ang tungkulin ay sugpuin ang korapsiyon sa pamahalaan, gaya ng Office of the Ombudsman at Commission on Audit, hindi rin magawa ang tungkulin dahil sa kakulangan ng funds at technical resources upang lubusang maimbestigahan ang mga alegasyon ng katiwalian.
Inirekomenda ng komite sa Pilipinas na magkaroon nang mabilisan, malaya at walang kinikilingang imbestigasyon sa lahat ng uri ng korapsiyon partikular na ang high-level corruption, kabilang ang korapsiyon sa gobyerno at hudikatura. Kapag napatunayan ang mga sangkot sa korapsiyon, patawan nang nauukol na parusa sa nagawang kasalanan. Payo rin ng komite na magkaroon ng ngipin ang anti-corruption bodies.
Ang pag-aaral ng UN ukol sa malaganap na korapsiyon sa mga sangay ng pamahalaan ay hindi na bago. Noon pa, marami nang nangyayaring korapsiyon sa maraming sangay. Laganap ang red tape o suhulan. Hindi gagalaw ang mga papeles na nilalakad sa isang ahensiya ng pamahalaan kung walang “padulas” na pera. Para mapadali ang pag-aapruba ng mga nilalakad na papeles, dapat maglagay.
Ilang taon na ang nakararaan, nagbanta ang American investors na aalisin nila ang mga negosyo sa Pilipinas kapag hindi natigil ang red tape sa maraming ahensiya ng gobyerno. Iyon ang naging daan kaya binuo ang anti-corruption task force at isasailalim sa imbestigasyon ang mga opisyal at empleyado na sangkot sa red tape.
Pero ningas kugon ang anti-corruption task force sapagkat makalipas lamang ang ilang buwan, balik na naman sa dating gawi ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan. Batay sa survey ng Political and Economic Risk Consultancy (PERC), pangatlo ang Pilipinas sa mga bansang laganap ang red tape. Nangunguna ang India at ikalawa ang Indonesia.
Talamak ang katiwalian sa Bureau of Immigration, halimbawa rito ang “pastillas scam; Department of Public Works and Highways, halimbawa ang mga tinipid na kalsada at tulay; Department of Health at PS-DBM na naugnay sa maanomalyang pagbili ng COVID supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corp. Ilan lang ang mga ito sa tanggapan ng gobyerno na may bahid ng korapsiyon.
