MANILA, Philippines — Isusulong ni senatorial candidate Erwin Tulfo ang panukalang sagutin na rin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang professional fees ng mga doktor.
Sinabi ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na ang professional fees ang isa sa mga laging problema ng mga pasyente kapag lalabas na ng ospital.
Aniya, “ang PhilHealth kasi, ang sasagutin lang ay ‘yung mga gamot at room charge ng pasyente.”
Pagdidiin ng mambabatas, “kaya hindi rin mailalabas ‘yung pasyente sa mismong araw dahil walang pambayad sa professional fees ng mga doktor o espesyalista.”
Ayon kay Tulfo, dapat isama na rin talaga ang professional fees ng mga doktor sa PhilHealth.
Tanong niya, “ano pa ang saysay ng salary deductions sa mga suweldo ng tao at ang pondo na binibigay ng Kongreso taun-taon?”
Plano ni Tulfo na ihain ang nasabing panukalang batas na magbibigay-daan na sagutin na ng PhilHealth ang professional fees ng mga doktor pagbalik ng sesyon sa Hunyo 2.
