Single mom hinoldap na, ginahasa pa sa gubat


CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Makaraang holdapin ang isang kaherang single mother ng umano’y drug suspect na sakay ng isang motorsiklo saka ginahasa sa isang magubat na lugar sa Barangay Sira Lupa, Calamba City, Laguna noong Miyerkules ng madaling araw.

Si Lt. Col. Victor Sobrepreña, hepe ng Calamba police, kinilala lamang ang biktima ng panggagahasa na si alyas “Joy”, 22, single parent at cashier ng isang supermarket.

Ayon kay Sobrepreña, lumutang si Joy sa kanilang himpilan upang iulat ang kanyang kalbaryong sinapit laban sa suspek na kalaunan ang nakilalang si Niño Delos Reyes, 40, isa umanong drug suspect na siyang nagnakaw ng kanyang pera at kagamitan at gumahasa pa sa kanya,.

Bunsod nito, agad kumilos ang pulisya nadakip si Delos Reyes sa follow-up operation sa kahabaan ng isang gaso­linahan sa Barangay Sirang-Lupa, Calamba City, sa parehong araw bandang alas-7 ng gabi.

Nakuha mula sa pag-aari ng suspek ang ilang magkakaibang identification cards at ATM na pag-aari ng magkakaibang tao na hinihinalang mga nakaw. 

Sa salaysay ng biktima, habang naglalakad at papunta na siya sa trabaho nang makita niya ang isang motorsiklo na bukas ang ilaw at may lalaking umiihi sa tabi nito habang patuloy siyang naglalakad.

Agad na sumakay ang suspek sa motorsiklo at sinundan ang naglalakad na biktima. Nilampasan niya ang biktima at biglang ihinarang sa daraanan nito ang motorsiklo saka mabilis niyang tinutukan baril ang biktima at nagdeklara ng hold-up.

Agad na kinuna ng suspek ang wallet ng biktima na may P1,500 cash, ang kanyang cellphone at ATM card. Hindi pa nakuntento, binantaan nito ang biktima at inutusang sumakay sa kanyang motorsiklo saka niya dinala sa isang magubat na lugar at doon ginahasa.

Sinabi ni Sobrepreña na sinampahan ng kasong robbery at rape ang suspek sa City Prosecutor’s Office.