17 loose firearms isinuko sa military


MANILA, Philippines — Labimpitong loose firearms ang boluntaryong isinuko ng mga concerned citizens sa tropa ng militar kaugnay ng pinalakas na kampanya laban sa mga baril na walang lisensiya sa bayan ng Pikit, Cotabato nitong Martes, ayon sa ulat kahapon.

Sa report, sinabi ni Lt. Col. Roden Orbon, spokesman ng 6th Infantry Division (ID) ng Philippine Army na ang nasabing armas ay isinurender ng mga residente Tugunan at Kapalawan sa Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at gayundin mula sa Matalam, Cotabato, sa tropa ng 40th Infantry Battalion (IB) sa Brgy. Ladtingan, Pikit ng lalawigang ito.

Pormal na iprinisinta ni Lt. Col. Erwin Jay Dumaghan, commander ng 40IB, ang mga isinukong armas kay Col. Ricky P. Bunayog, commander ng 602nd Infantry Brigade sa isang simpleng seremonya sa himpilan ng 40IB.

Kabilang sa mga isinukong armas ay ang apat na 7.62mm M14 rifle; isang 5.56mm Ultimax; dalawang Cal .45 pistol; dalawang 5.56mm M16 Elisco rifle; tatlong Cal .30 M1 garand; isang Cal .30 Carbine; tatlong RLL RPG; isang 9mm UZI pistol; maliban pa sa mga bandolier na naglalaman ng mga magasin at bala.