NANG bisitahin ni President Ferdinand Marcos Jr. ang bumagsak na Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela noong Huwebes, walang gatol niyang sinabi na ang mahinang desenyo ng tulay ang naging dahilan ng pagbagsak. Ayon sa Presidente, mali ang design. Okey naman daw ang construction. Sinundan daw ng contractor ang plano at by the book ang ginawa. Yun lang daw specification ang mali. Sabi pa ni Marcos ngayon lang daw siya nakakita ng suspension bridge na walang cable. Wala raw suporta. Talagang may design flaw.
Ayon pa sa Presidente, nasa P1.8 bilyon ang halaga ng proyekto pero naibaba ito at hindi na umabot sa P1-bilyon. Ang project cost daw talaga ng tulay ay P1.8 billion pero binawasan hanggang naging P1-bilyon para makamura. Dun daw ginawa ang design na napakahina. Ayon pa kay Marcos, napunta sa wala ang halagang nabawas sa pagpapagawa ng tulay. Kailangan daw gumastos muli ang gobyerno para maisaayos hanggang sa ito na nga ang kinahantungan—bumagsak!
Pero ang mga sinabi ng Presidente ay taliwas naman sa sinabi ng nag-design ng Cabagan-Sta. Maria Bridge. Wala raw mali sa desenyo ng tulay sapagkat naaayon iyon sa specifications na tinakda ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ang tulay umano ay may minimum load limit na 27 tons para sa 10-wheeler trucks na naaayon sa specifications para sa bridge code. Ang load limit umano na iyon ang nakadesenyo sa tulay. Kaya wala raw mali sa desenyo ang tulay gaya ng ipinahayag ng Presidente.
Bumagsak ang tulay noong Marso 4 makaraang dumaan ang isang truck na may kargang bato. Ayon sa DPWH ang truck ay may bigat na 102 tonelada. Bago ang pagbagsak, dalawang truck ang naunang dumaan na may karga ring mga bato. Nang dumaan ang ikatlong truck saka lamang bumagsak. Ang ikasampung portion ng tulay ang bumagsak.
Hanggang ngayon, wala pang inilalabas na resulta ng imbestigasyon kung sino ang may kasalanan sa pagbagsak ng tulay. Pero sabi ni Marcos Jr. may mananagot sa pagbagsak. Mayroon daw gugulong na ulo. Hindi raw titigil hangga’t hindi napapanagot ang may kasalanan.
Kung hindi desenyo ang dahilan kaya bumagsak ang tulay, ano pa ang maaaring isipin sa pagbagsak. Ano ang nangyayari sa mga tinipid na construction ng gobyerno.
Gaya ng sinabi ni Marcos, binawasan ang pondo sa tulay para makamura. Maaring yun ang dahilan. Para makamura, manipis na bakal ang ginamit. Yun ang dahilan kaya bumagsak ang portion ng tulay. Suma total, may korapsiyon sa ilalim ng tulay.
