Querubin nagdiwang ng kaarawan sa Philippine Navy


MANILA, Philippines — Nagpahinga muna si independent senatorial candidate Ariel Querubin sa pangangampanya upang ipagdiwang ang kanyang ika-69 kaarawan sa Philippine Navy headquarters sa Taguig City kung saan siya nagsilbi bilang Marine officer sa loob ng 35 taon.

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga sundalo kasama ang AFP retirees, binigyan diin ni Querubin  ang pagkakaisa at katapatan sa Konstitusyon.

“Sana lahat tayo ay nagkakaisa. Itong mga hidwaan natin ay isan­tabi muna natin kasi ang dami nating problema na dapat nating hinaharap na nagkakaisa tayo,” ani Querubin.

Pinaalalahanan din nito ang mga uniformed personnel na manatiling non-partisan at pairalin ang batas.

Si Querubin na Medal of Valor awardee ay tumatakbong  independent sa May 2025 midterm elections.