Mga lider-kababaihan pinuri ni Bong Go


MANILA, Philippines — Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga mahahalagang kontribusyon ng kababaihan sa mabuting pamamahala at nation building.

Ginawa ni Go ang pahayag matapos siyang dumalo sa pagdiriwang ng Women’s Month ng Lady Local Legislators’ League (Four-L) of the Philippines 2025 National Assembly noong Linggo sa Novotel Manila sa Quezon City.

May theme na “Women Leadership: Recognizing the Power of Women in Nation Building”, tinatayang 200 lady legislators, kinabibilangan ng vice governors, sangguniang panlalawigan members, sangguniang panlungsod members, sangguniang bayan members, sangguniang barangay, and sangguniang kabataan chairpersons ang dumalo sa okasyon.

Sa kanyang talumpati, pinuri ni Go ang dedikasyon at pamumuno ng mga babaeng mambabatas at binigyang-diin ang kanilang mahalagang papel sa paghubog ng mga polisiya, pagpapaunlad ng inklusibong pamamahala, at pagpapalakas sa mga komunidad.

Kinilala rin niya ang kababaihan sa kanilang papel sa mga sariling kabahayan. “Kayo naman talaga nasusunod kapag sa bahay. Kaya kayo tinatawag na commander pagdating sa bahay dahil totoo naman po.”

Bilang isang re-electionist, muling pinagtibay ni Go ang kanyang pangako sa pagsusulong ng mga patakarang magpapasigla sa kababaihan. 

Tiniyak niya na kung bibigyan ng bagong mandato, patuloy niyang ipaglalaban ang kanilang mga layunin at magbibigay ng mas malakas na suporta para sa mga hakbang na magtataguyod ng kapakanan ng kababaihang Pilipino.

Si Go ay masugid na tagapagtaguyod ng kapakanan ng kababaihan dahil isa siya sa mga may-akda at co-sponsor ng RA 11861, na nag-amyenda sa RA 8972, o ang Expanded Solo Parents’ Welfare Act para mabigyan ng ­karagdagang benepisyo ang solo parents na ­karamihan ay babae.