NANG magdiwang ng ika-80 kaarawan si dating President Rodrigo Duterye noong Biyernes, dumagsa ang kanyang supporters at nagdaos ng mga programa sa iba’t ibang bahagi ng bansa at maski sa abroad. Lahat ay iisa ang hinihiling: ibalik sa bansa ang dating Presidente na anila ay puwersahang dinala sa Netherlands noong Marso 11.
Kasalukuyang naka-detained sa International Criminal Court (ICC) facility sa The Hague ang dating Presidente dahil sa crime against humanity. Inaresto siya ng Interpol sa tulong ng Philippine National Police (PNP) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ilang oras makaraang dumating mula Hong Kong. Nagkaroon muna ng 12-oras na standoff bago siya naisakay sa eroplano na nagdala sa kanya sa Netherlands.
Mula nang maaresto si Duterte, nagsimula nang bumaha ang mga hindi magagandang post sa social media na bumabatikos hindi lamang sa pamahalaan ng Pilipinas kundi pati na rin sa ICC prosecutors. Iisa ang sinasabi ng supporters: napagkaitan ng hustisya si Duterte at dapat ibalik sa bansa. Mistulang kinidnap daw ito at puwersahang isinakay sa eroplano na hindi man lang daw nakakausap ang anak na si Vice President Sara Duterte.
Ang masama pa sa ginagawa ng supporters ni Duterte, pati ang FB page ng ICC prosecutors ay binabaha ng mga masasakit na salita. Mayroon pang nag-post ng picture na kausap daw ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang babaing ICC prosecutor.
Nagbabala si Atty. Kristina Conti, abogado ng mga kaanak ng extra-judicial killing vicitms na maaaring maidagdag sa kaso ni Duterte ang mga masasakit na paratang sa social media na ginagawa ng kanyang supporters sa ICC prosecutors. Dahil umano sa pagdagsa ng mga masasakit na post sa FB ng isang ICC prosecutor, isinara na ito.
Noong Biyernes, sa pagdiriwang ng 80th birthday ng dating Presidente, umapela si VP Sara sa supporters na pigilin ang emosyon at huwag magpadala sa galit. Pigilan daw ang sarili na huwag magkomento sa kaso ng kanyang ama at hayaan ang mga kinuhang abogado na gumawa ng mga hakbang sa kaso ng dating Presidente.
Una nang sinabi noon ni Sara na hindi na maibabalik sa bansa ang kanyang ama at dapat mag-move on na. Maski si dating President Duterte ay nagsabi umano na pinauubaya na niya sa Diyos ang kanyang kapalaran.
Dapat pagbawalan ang supporters ng dating Presidente na gumawa ng mga hakbang na makapagbabaon sa kumunoy ng mga kaso. Maghinay-hinay sapagkat ibang court ang lumilitis sa dating Presidente na malaki ang kaibahan sa court ng Pilipinas. Baka mabaon siyang tuluyan dahil sa ginagawa ng supporters.
