Sikat na Vlogger sa Cebu inaresto asa pambubugbog ng lover


MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang sikat na vlogger sa Cebu na may 7.15 milyong followers sa social media matapos itong ireklamo ng pambubugbog ng kaniyang live-in partner sa bayan ng Alcoy ng nasabing lalawigan.

Kinilala ang suspect na si Ronie Suan, kilalang si Boy Tapang sa Facebook at YouTube na inaresto ng mga otoridad at ngayo’y kasalukuyan ng humihimas ng rehas na bakal sa detetion cell ng Alcoy Municipal Police Station (MPS).

Nabatid na may 4.8 milyong followers sa Facebook si Boy Tapang at 2.35 milyon naman sa YouTube.

Sa report ng Cebu Police, dinakip si Boy Tapang ng mga operatiba ng Alcoy MPS matapos na isuplong sa presinto ng 21-anyos na live-in partner nito ng pambubugbog.

Ayon sa pahayag ng biktima, nangyari ang insidente, alas-5:00 ng hapon noong Marso 31 pero nagtungo ito sa himpilan ng pulisya bandang alas-11:00 ng gabi ng nasabi ring araw.

Sa follow-up operations ay nasakote naman ng mga operatiba ng pulisya si Suan pasado alas-12:00 ng hatinggabi nitong Abril 1 sa Bry. Daanlungsod ng nasabing bayan.

Lumilitaw naman sa imbestigasyon na nag-ugat ang pambubugbog sa biktima matapos itong mahuli sa akto ni Suan na gumagamit ng vape.

Ayon sa biktima halos isang taon na umano silang maglive-in partner ni Suan at hindi ito ang unang pagkakataon na ginulpe siya nito na dahil umano sa selos.

Ipinagharap na ng kasong paglabag sa Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 si Suan. Inaasahan namang maglalagak na ito ng piyansa sa nasabing kaso.