CAMP NAKAR, Lucena City , Philippines — Mabilis na umaksyon ang Quezon Police Provincial Office (QPPO) sa reklamong kinasasangkutan ng apat na operatiba ng Provincial Intelligence Unit (PIU) kaugnay sa umano’y isang insidente sa Lucena City.
Ayon kay QPPO Director PCol. Romulo Albacea, agad nilang isinagawa ang mga sumusunod na hakbang, ang apat na pulis na may ranggong P/Executive Master Sergeant, P/Chief Master Sergeant, P/Corporal at Patrolman ay inalis sa kanilang puwesto at inilipat sa Provincial Personnel Holding and Accounting Section (PHAS) habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Sila ay inutusang i-surrender ang kanilang mga baril at upang masiguro ang maayos at patas na proseso ng imbestigasyon.
Nag-ugat ang kontrobesya makaraang ireklamo sa tanggapan ni Senador Raffy Tulfo ang umano’y iligal na pagpasok ng mga operatiba ng PIU sa bahay ng isang pamilya sa Barangay Cotta, Lucena City upang hulihin ang isang wanted person kaugnay ng kampanyang “Oplan Huli Week”.
Sa kasalukuyan, patas na iniimbestigahan ang magkabilang panig upang matiyak na lalabas ang buong katotohanan sa insidente.
Sinabi ni Col. Albacea na hindi kinukunsinti ng QPPO ang anumang uri ng paglabag ng kanyang mga tauhan. Aniya ang sinumang mapatunayang nagkasala ay mananagot alinsunod sa batas.
