MANILA, Philippines — Nasa 42 Chinese workers na hindi dokumentado ang inaresto ng mga awtoridad sa isinagawang pagsalakay sa isang resort sa Brgy. Villa Norte, Alabat Island, Quezon nitong Miyerkules.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 4 A, ang nasabing mga Chinese nationals ay dumating sa nasabing resort lulan ng Roll-on, Roll-off vessel na umano’y ino-operate ng Philippine Offshore Gaming Operator hub sa nasabing isla.
Bandang alas-6:30 ng umaga nang ikinasa ang sorpresang operasyon laban sa mga undocumented aliens ng pinagsanib na mga elemento ng Bureau of Immigration (BI), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) katuwang ang Police Regional Office 4-A Intelligence Division at Alabat Police na nakakuha ng mission
order No. 2-25-095 sa ilalim ng Executive Order 287, Series of 2000 o Mission Orders for Verification and Investigation of Suspected Illegal Aliens, sanhi ng pagkakaaresto ng 42 dayuhan na umano’y na-hire ng isang sub-contractor ng Alabat Wind Power Corp. na nagtatayo ng windmill sa nasabing lugar.
Nabatid na inupahan ang Alabat Cove Resort bilang pansamantalang tirahan ng mga dayuhang trabahador malapit sa itinatayong Windmill sa Alabat.
Sinasabing walang senyales ng POGO hubs sa nasabing lugar at karamihan ng mga dayuhang dinakip ay mga kabataan at engineers.
Iniimbestigahan na ng PAOCC kung ang mga dinakip na dayuhan ay mga dating POGO workers mula sa Porac, Pampanga at iba pang lugar sa mga nalansag na POGO hub doon.
