Daan-milyong piso nawawaldas sa pekeng DepEd vouchers


IBINIDA ni DepEd Sec. Sonny Angara ang pagsalba niya umano sa P53 milyon. Napigilan niya raw ang pagbayad sa 12 pribadong high schools na nampeke ng Grade 11-12 vouchers nu’ng 2023-2024.

Ang vouchers ay bayad ng DepEd sa 12 eskwelahan na kunwari’y tumanggap ng mag-aaral mula public schools. Bukod sa Metro Manila ang 12 ay nasa Ilocos, Davao, Central Luzon, Calabarzon, Eastern Visayas, at BARMM.

Apat na puna ang pinataw ni textbook crusader Dr. Antonio Calipjo Go kay Angara:

Una, hindi na bago ang raket. Nu’ng Marso 2024 nabisto ang P360-milyong pekeng vouchers ng 19,000 mag-aaral. Ang halaga ng vouchers ay P14,000 hanggang P22,500.

Ikalawa, mali na nailigtas ang gobyerno sa P53-milyong panloloko. Mas malaki nga ang unang natuklasang P360 milyon, pero pinalabas ng DepEd noon — sa ilalim ni Sec. Sara Duterte—na “accounting error” lang ang naganap.

Ikatlo, pinagbibintangan ang mga pribadong paaralan. Pero hindi magagawa ang raket ku’ng walang kasapakat na opisyales ng DepEd. Dalawang tao para sumayaw ng tango; dalawang kamay para pumalakpak.

Ikaapat, walang pinarusahan nu’ng Marso 2024. Wala ring pinarusahan ngayong 2025. Inilihim pa nga ni Angara ang pangalan ng 12 pribadong eskwela para hindi raw mabulabog ang imbestigasyon.

Sa bawat pekeng voucher ay isang mag-aaral sa senior high school ang nawalan ng pagkakataong mag-aral umano’y sa mas mahusay na pribadong eskwela. Ku’ng 19,000 ang pekeng vouchers nu’ng Marso 2024, e di 19,000 ang winasak na kinabukasan.

Edukasyon daw ang pinto paalis sa karalitaan.