Clerk ng piskal sa Quezon pinagbabaril, patay


LUCENA CITY, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang empleyada ng provincial prosecutor habang nagmamaneho ng e-bike sa Quezon Avenue extension, Barangay Cotta ng lungsod na ito, ka­makalawa ng hapon.

Ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa ulo at katawan ay kinilala lang na si “Sandra”, 47, mag-asawa, admi­nistrative clerk sa Office of the Provincial Prosecutor (OPP) at residente ng nasabing barangay.

Base sa ulat ni PLt. Col. Dennis De Guzman, chief of police dito, papauwi na sa kanyang bahay ang biktima at minamaneho ang isang e-bike dakong alas-5:20 ng hapon nang sabayan ng isang kulay itim na motorsiklo na may sakay na dalawang hindi nakikilalang lalaki na kapwa nakasuot ng itim na jacket at helmet.

Nang makakuha umano ng pagkakataon ang mga suspek ay pinagbabaril ng isa sa mga ito ang biktima saka tumakas patungo sa direksyon ng Barangay Dalahican.

Nadala pa sa Mount Carmel Diocesan General Hospital ang biktima subalit idineklara itong Dead-on-Arrival ( DOA).

Inatasan na ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Ruben Lacuesta si Lt. Col. De Guzman na magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang agarang madakip ang mga salarin at malaman ang motibo sa krimen. —Tony Sandoval