Trahedya sa Vancouver | Pilipino Star Ngayon


KALUNUS-LUNOS ang sinapit ng mga kababayan natin habang nagsasagawa ng Lapu-Lapu Festival sa Vancouver, Canada. Ayon sa report, 11 ang patay at maraming nasugatan. Lumalabas na sinagasa ng itim na SUV ang parade ng mga Pilipino na nagsasagawa ng Lapu-Lapu Festival. Ang event ay may kaukulang permiso mula sa Vancouver govern­ment kaya naisagawa ang parade.

Bagamat nahuli ang drayber ng SUV at nai-turn-over sa kapulisan, lumalabas na may deperensiya ito sa pag-iisip. Kawawa naman ang kalagayan ng ating mga kababayan na namatay at nasugatan. Sabagay hindi naman papayag ang mga opisyales ng Vancouver na mabalewala at makalalaya ang 30-anyos na lalaki dahil kahaharapin nito ang maraming kaso.

Ewan ko lang kung katulad ng batas natin dito ang umi­iral sa Vancouver na basta maimpluwensiya at mayaman mabilis na maaareglo ang mga biktima. Sa pagkaalam ko sa ibang bansa kapag nasangkot sa aksidente at maka­sugat nang marami, tanggal agad ang license at hindi na magkakaroon muli dahil korte na mismo ang nag-uutos. Hindi na makapagmamaneho habambuhay.

Nalaman ko na tutulungan ng gobyerno ang mga bik­tima sa Vancouver. Inatasan na ni President Ferdinand  Marcors Jr., ang Department of Foreign Affairs na asistehan ang mga kababayang nabiktima.