Driver ng bus nakatulog…
MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 12 ang patay habang 28 naman ang sugatan sa karambola ng limang sasakyan na naganap kahapon ng tanghali sa Subic-Clark-Tarlac expressway (SCTEX).
Ayon kay Lt. Col. Romel Santos, director ng Tarlac Provincial Police Office, dakong alas-12:30 ng tanghali nang mangyari ang insidente na kinabibilangan ng Toyota Veloz na minamaneho ni Carlo Mojica, residente ng San Fernando, Pampanga; 18-wheeler truck na minamaneho ni Darwin Cruel ng Tondo, Maynila; Nissan Urvan; Kia Sonet; at Solid North Transit bus.
Sa report ng Tarlac-PNP, binangga ng Solid North Transit Inc. na may plate number UVK-941 na minamaneho ni Teodoro Merjan ng Malawa, Lingayen, Pangasinan ang SUV na nasa kanyang unahan na nakapila sa toll plaza.
Lumilitaw na nakatulog ang driver ng naturang bus na nagresulta sa aksidente.
Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang bus driver na si Merjan.
Agad namang nagpadala ng ambulansya ang Philippine Red Cross (PRC) lulan ang apat na staff para tumulong sa insidente na nangyari sa SCTEX.
Naging pahirapan din ang pagtatanggal sa mga labi ng mga biktima na naipit sa kanilang mga sasakyan.
