MANILA, Philippines — Plano ng Department of Agriculture (DA) na maibenta na rin ang P20 bigas kada kilo sa 32 Kadiwa centers sa Luzon makaraan ang halalan sa may 12.
Una nang naibenta ang P20 kada kilo bigas sa mahihirap na pamilya sa Visayas nitong unang linggo ng Mayo pero nahinto ang programa nang hingin ng Commission on Elections (Comelec) na ituloy na lamang ito makaraan ang halalan para hindi magamit sa politika.
Sinabi ni DA Assistant Secretary Genevieve Guevarra na simula sa May 13 Luzon wide nang maibebenta ang murang bigas sa 32 kadiwa centers sa Luzon tulad sa Metro Manila particular sa Caloocan, Las Piñas, Mandaluyong, Navotas, Pasay at Quezon City.
Anya, nasa 23 pang Kadiwa centers sa Luzon ang sunod na mabibili ang P20 bigas kada kilo simula May 15 na bukas lamang ng araw ng Huwebes hanggang Sabado.
Tiniyak din ng DA sa publiko na ang maibebentang murang bigas ay may kalidad at dumaan sa quality control para kainin.
