MANILA, Philippines — Sa first period lamang pumalag ang Terrafirma bago umarangkada ang Magnolia sa second quarter patungo sa 127-94 panalo sa Season 49 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Itinusok ng Hotshots ang kanilang pang-limang sunod na ratsada para patuloy na solohin ang liderato, habang laglag ang Dyip sa 1-4 marka.
Naglista si Zav Lucero ng 17 points at 9 rebounds para banderahan ang Magnolia na nakahugot kay Paul Lee ng 13 markers, habang may tig-11 points sina Jerrick Ahanmisi at Joseph Eriobu.
“Very happy because everybody stepped up, everybody contributes,” sabi ni coach Chito Victolero sa kanyang tropa na naiwanan ng Terrafirma sa first period, 19-17.
Bumanat ang Hotdhots ng 30 points sa kabuuan ng second quarter at nilitahan ang Dyip sa 10 markers para agawin ang 65-37 halftime lead.
Hindi natapos ang ratsada gn Magnolia at pagdating sa third period ay inilista ang 31-point advantage, 89-58, mula sa basket ni veteran center Rafi Reavis sa huling 1:44 minuto nito.
Mula rito ay hindi na nakalapit ang Terrafirma.
“Just putting consistent work and then in your skills when you go out there, obviously, my teammates finding me in spots and then the coaching staff trusted me and putting me on the floor,” wika ni Lucero sa pagbandera niya sa Hotshots.
Pinamunuan ni Louie Sangalang ang Dyip sa kanyang 19 points kasunod ang tig-17 markers nina Stanley Pringle at Kevin Ferrer.
Sunod na lalabanan ng Magnolia ang NLEX sa Linggo sa Ninoy Aquino Stadium.
Puntirya ng Hotshots ang kanilang ikaanim na sunod na pananalasa.
