Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw po. Ako po ay sumusulat dahil dumadaan kami ngayon ng aking pamilya sa matinding pagsubok. Nakaabang na ang mga gastusin sa paparating na pasukan.
Magka-college na aking panganay, ngunit hindi ko po alam kung saan kukunin ang pambayad sa matrikula niya.
Sa parehong panahon, nanganak din po ang aking asawa, kaya dumoble ang aming gastusin sa bahay.
Gusto ko pong maibigay sa anak ko ang pangangailangan niya, lalo na’t alam kong masikap siyang bata at may magandang pangarap.
Pero sa gitna ng mga bayarin at pa-ngangailangan ng bagong silang naming anak, pakiramdam ko ay nabibigatan ako.
Hindi ko po alam kung ano ang uunahin o paano sisimulan ang pagbangon.
Pagpayuhan po ninyo ako.
Domeng
Dear Domeng,
Unang-una, saludo ako sa pagmamahal at pagsusumikap mong maitaguyod ang iyong pamilya sa kabila ng mabibigat na pagsubok.
Natural lamang ang maramdaman mo, ang pagkabalisa sa ganitong pagkakataon.
Ang una mong dapat gawin ay huminga muna nang malalim at pag-isipang mabuti ang mga posibleng solusyon.
Hindi mo kailangang pasanin lahat nang mag-isa. Subukan mong makipag-usap sa paaralan kung saan ninyo balak mag-enroll ang inyong anak.
Maraming eskwelahan ang nagbibigay ng konsiderasyon o installment plan sa bawat school year, lalo na kung ipapaliwanag mo ang sitwasyon ninyo.
Pangalawa, huwag kang mahiyang humingi ng tulong sa mga kamag-anak o kaibigan.
Sa mga ganitong pagkakataon, ang konting suporta nila — kahit hindi pera kundi tulong sa iba pang gastusin — ay malaking ginhawa na.
Pangatlo, kung may maliit kang kakayahan gaya ng pag-aalok ng serbisyo (tulad ng pag-aalaga ng bata, pag-lilinis, pag-aa-yos), puwede mong subukang kumita kahit paunti-unti para madagdagan ang panggastos.
Higit sa lahat, huwag mong hayaang kainin ka ng pag-aalala.
Kapit lang sa pananampalataya at sa tibay ng loob.
Ang lahat ng pagsubok ay lilipas din, at sa dulo, mas ma-tamis ang tagumpay kapag nalagpasan ninyo ito bilang isang pamilya.
Kasama mo ako sa panalangin para sa ibayong habag ng Maykapal at paggabay para maungusan ninyo ang matinding ha-mong-pinansiyal.
Huwag ka mawalan ng pag-asa.
DR. LOVE