MANILA, Philippines — Sumama na rin ang aktor na si Piolo “Papa Pi” Pascual sa hanay ng mga celebrity na nagpahayag ng suporta sa senatorial bid ni dating Senador Bam Aquino, isang independent candidate sa darating na halalan.
Nakiisa si Pascual sa motorcade ni Aquino nitong Linggo, na umikot sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, kabilang ang Mandaluyong at Cubao, Quezon City.
Kasama rin sa kampanya sina aktres Iza Calzado, na nakilala sa papel bilang “Darna,” at si Bea Binene. Nakiisa ang dalawa sa mga aktibidad sa Mandaluyong, Quezon City, at Valenzuela.
Bago ang motorcade, sabay-sabay na nagpakita ng suporta sina Pascual, Calzado, at Binene kay Aquino sa pamamagitan ng No. 5 hand sign—ang numerong katumbas ni Aquino sa balota.
Nauna nang nagsagawa ng motorcade sina Aquino at Binene sa mga lungsod ng Muntinlupa, Las Piñas, at Pasay. Kasama nila rito ang ilang social media influencers na sina Kerwin King, Zion Aguirre, Gabe Pineda, Niño San Jose, Andrea Guevarra, Andrei Hermida, at Damien Villaflor.
Noong 2022, isa rin si Pascual sa mga artistang hayagang nagpakita ng suporta kay dating vice president Leni Robredo sa kanyang pagtakbo sa pagka-pangulo.
