Negosyante, nangholdap ng banko dahil sa utang!


Sangkaterbang utang ang nagtulak sa isang negos­yante para holdapin ang isang banko sa Taguig City noong Lunes at natangay ang P7 milyon. Ang ipinagtataka ni Southern Police District director Brig. Gen. Joseph Arguelles, hindi man lang itinago ng suspect na si Bernard Laguindo ang pag­ka­kilanlan dahil walang suot na bonnet. At higit sa lahat, kilala siya ng security guards at empleyado dahil palagi siyang nakipag-transact sa mga ito. Mukhang may tama si Laguindo, na tubong Muñoz, Nueva Ecija? Ang hindi alam ni Laguindo, may pumindot ng silent alarm ng banko kaya mabilis na nag­responde ang mga bataan ni Arguelles. Sinampahan siya ng kasong robbery-hold up at paglabag ng gun ban.

Sa background check ni Arguelles, si Laguindo, na naka­tira sa Palar Village, Taguig City ay may negosyong buy-and-sell ng kung anu-anong produkto. Siyempre, labas-masok siya sa banko dahil regular customer dito, kaya kilala siya ng security guards at mga empleyado. Sa katunayan, ayon kay Arguelles, may nakatagong pera sa banko si Laguindo na aabot sa P100,000. Walang asawa si Laguindo at maluwag ang pamumuhay. Kaya nagtataka ang mga kosa ko kung bakit nagawa niyang magnakaw at sa banko pa na may security guard at alarm system na nakakabit sa ma­lapit na police station.

Hindi naman kinapkapan ng mga sekyu si Laguindo nang pumasok ito ng banko, na matatagpuan sa Veterans Center sa Bgy. Western Bicutan noong Lunes dahil regular client nga. Pagkapasok, hiniling ni Laguindo na makigamit ng toilet at siyem­pre walang tumutol. Subalit paglabas niya sa kubeta, may bitbit na itong kalibre 9mm pistol at inanunsiyo ang holdap. Nabigla at nagulat ang mga security guards at em­pleyado. Itinutok ni Laguindo ang baril sa 35-anyos na ba­baing branch manager, sabay utos na buksan ang vault. Nang mabuksan, inutusan ni Laguindo ang loan processor na ilagay ang pera sa kanyang camouflage backpack.

Ayon kay Arguelles, nagawa ng isang empleyado na pindutin ang alarm na nakakabit sa Sub-Station 2 ng Taguig City police, na nagresponde agad. Naaresto si Laguindo at nakumpiska sa kanya ang P7 milyon at 9mm Armscor pistol na may walong bala. Inamin naman ni Laguindo ang krimen. Kaya niya na­ga­wang holdapin ang banko ay upang mabayaran ang ma­la­king pag­ka­kautang. Iniutos ni Arguelles na isailalim siya sa psychiatric test dahil sa background check lumabas na wala siyang derogatory records. Laru-laro lang pala para kay Laguindo ang pagholdap sa banko? Abangan!