MANILA, Philippines — Iniutos ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang mabilis na pagdakip sa dating pulis na si Rafael Dumlao III, na sangkot sa pagpatay sa negosyanteng South Korea na si Jee Ick Joo noong 2016.
Layunin ng direktiba ni Bersamin na inilabas noong Mayo 21, 2025, na suportahan ang misyon ng Philippine National Police na ibalik ang tiwala ng publiko at makatulong sa pagresolba ng mga high profile cases na kinasasangkutan ng mga dayuhan.
Napaulat na P1 milyon ang inilaan na pabuya para sa pagkakadakip ni Dumlao.
Noong nakaraang taon, binaligtad ng Court of Appeals (CA) ang pagpapawalang-sala kay Dumlao sa pagkidnap at pagpatay kay Jee Ick Joo at sa halip ay sinentensiyahan ang pulis ng reclusion perpetua.
Si Jee ay dinukot mula sa kanyang tirahan sa Angeles City noong Oktubre 18, 2016, ng mga armadong lalaki na umano’y nagkukunwaring nagsasagawa ng anti-drug operation.
Siya ay sinakal hanggang sa mamatay sa loob ng Philippine National Police headquarters sa Camp Crame. Ang kanyang mga labi ay sinunog at na-flush sa banyo.