Ex-spokesman ni Robredo, kinondena Senado sa delay ng impeachment trial


MANILA, Philippines — Binatikos ng dating kongresista at tagapagsalita ni dating Bise Presidente Leni Robredo na si Atty. Barry ­Gutierrez ang tila kawalan ng aksyon ng Senado sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Gutierrez, ang hindi pag-usad ng impeachment process ay isang lantaran at ­hayagang paglapastangan sa Konstitusyon at sa kagustuhan ng sambayanang Pilipino.

“Ayon sa Saligang Batas, kapag naipasa na ng Kamara ang Articles of Impeachment, obligasyon ng Senado na agad itong isalang sa trial,” giit ni Gutierrez. “Hindi po ito isang mungkahi lang — ito ay constitutional obligation.”

Base sa ulat, may mga hakbang umano si Senate President Francis “Chiz” Escudero para ipagpaliban o tuluyang ilihis ang impeachment proceedings, sa ­layuning makuha ang suporta ng Duterte bloc at mapanatili ang kanyang kapangyarihan bilang senate president.

Ito ay sa kabila ng patuloy na panawagan ng publiko—pati na rin mismo ni VP Sara Duterte—na ituloy ang paglilitis.

Dagdag pa ni Gutierrez, ang anumang pagtatangkang pigilan ang proseso ay hindi lamang paglabag sa checks and balances ng gobyerno kundi isa ring pagsira sa tiwala ng publiko sa Senado.