February 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Natuwa ang Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) Partylist sa isinagawang joint operation ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department od Agriculture (DA) sa isang bodega ng bigas sa Bocaue, Bulacan noong Lunes, Pebrero 10.
Bunsod nito, binigyang diin kahapon ni AGAP Partylist Rep. Nicanor “Nick” Briones na dapat na masampolan din ang mga may-ari ng bigas at warehouse sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na may parusang life imprisonment at non-bailable.
Giit ni Briones, hindi sapat na ang warehouse manager, dalawang kahera, at isang inventory officer ng bodega lamang ang masasampahan ng kasong hoarding, adulteration, profiteering, untruthful labeling, at economic sabotage. Sumalang na sa inquest proceedings ang apat nitong Huwebes sa Department of Justice (DOJ) kasama ang Pinoy na may-ari umano ng bodega na nananatili pa ring “at large”.
Sinasabing ang nadiskubreng tone-toneladang bigas ay mga pinaghalo-halong luma at ibang klase bigas para maibenta sa merkado ng mas mataas na presyo.
Kasabay nito, nanawagan si Briones sa pamahalaan na magpatupad ng maximum suggested retail price (MSRP) sa mga imported na karne ng baboy, bago sa lokal na baboy at iyon ang maghahatak pababa sa presyo ng lokal na karne ng baboy. Aniya, sa ganitong paraan makakabawi ang mga local hog raisers na mga nalugi dahil na rin sa tumamang African Swine Fever (ASF) sa kanilang mga alagang baboy.
Nanawagan pa ang #117 AGAP Partylist na tuluyang ma-enforce ng council ang batas na nasa ilalim ng Office of the President at kung may enforcement group maipatupad agad ang Anti-Economic Sabotage Act at mahuhuli ang mga nananamantala at makasuhan ang mga smugglers, hoarders at profiteers.