DAPAT imbestigahan ang operasyon ng Isla Verde Mining and Development Corp. (IVMDC) sa Abra River sa Ilocos Sur. Magnetite ore at black sand mining ang kanilang minimina na nakasisira at kalikasan at kabuhayan ng mamamayan.
Ayon sa pag-aaral ng Ilocos Center for Research, Empowerment and Development (ICRED), nakasisira ang ginagawang dredging. Nakaaapekto sa hanapbuhay ng mga mamamayan ng walong barangay sa Ilocos Sur.
Ayon sa reklamo ng mga taga-Caoayan at Santa, nabubulabog ang mga isda sa dahil sa mga pagyanig ng barko na ginagamit sa dredging. Kaunti na lamang ang nahuhuli ng mga mangingisda.
Matagal nang hinihiling ng mga taga-Ilocos Sur na isapubliko ang mga pag-aaral ng Environmental Impact Assessment (EIA) upang masuri ang operasyon ng IVMDC.
Lalong pinalala ng dredging operations ang problema sa Ilocos Sur ayon kay Dr. Fernando Siringan. Ayon sa doktor, dapat gumamit ang IVMDC ng mga barge na maaaring dumaan sa bukana ng Abra River.
Hindi sila dapat mag-dredging sa karagatan. Nagpapahina ito sa katatagan. Hindi ito ang paraan para palawakin o buksan ang daan at maibsan ang pagbaha sa probinsiya.
Hindi dapat inaalis sa Abra River System ang nakukuhang buhangin, bagkus ay ibalik ito sa mga espesipikong lugar sa ilog. Huwag dalahin sa reclamation projects sa Pasay City.
Nawalan ng kredibilidad ang IVMDC nang ipatigil ang operasyon nito noong 2013. Iligal ang black sand mining nila Vigan. Nasira ang kalikasan at naapektuhan ang ang komunidad.
Nararapat singilin at pagbayarin ang IVMDC sa kapinsalaang ginawa sa kalikasan at kabuhayan ng mga mamamayan sa Ilocos Sur.