MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Daan-daang residente ang apektado at nagsilikas matapos na malubog sa baha ang limang bayan dito sa lalawigan nang umapaw ang mga creek dahil sa
walang humpay na ulan dulot ng Habagat.
Kabilang sa nilubog ng baha ay ang Siyudad ng San Jose del Monte, Norzagaray, Balagtas, Marilao at Hagonoy.
Umabot hanggang dibdib ng tao ang lalim ng baha sa siyudad ng San Jose del Monte ma-karaang umapaw ang creek sa Brgy. San Rafael I dulot ng matinding buhos ng ulan.
Gayundin sa bayan ng Balagtas ay umabot hanggang tuhod ang lalim ng baha partikular sa Brgy. Panginay at San Juan.
Sa bayan ng Norzagaray at Marilao ay halos hindi na madaanan ng mga sasakyan ang Mac Arthur highway dahil sa lalim ng baha kung kaya napilitang maglakad sa tubig baha ang mga pasahero para lamang makauwi ng kanilang bahay.
Sa bayan ng Hagonoy ay pangkaraniwan na ang nararanasang pagbaha sa tuwing may Habagat gawa ng napapaligiran ang bayang ito ng ilog.
Bunsod nito, daan-daan pamilya mula sa nasabing mga bayan ang apektado sa baha na ang ilang mga pamilya ay napilitang magsilikas upang makaiwas pa sa pagtaas ng tubig baha.