CAVITE, Philippines — Umabot sa 200 kabahayan ang naabo nang sumiklab ang malaking sunog kamakalawa ng gabi sa isang compound sa Brgy. Talaba 3, Bacoor City.
Sa ulat ng Bacoor Bureau of Fire, alas-10:40 ng gabi nang magsimula ang paglagablab ng apoy sa Paraiso Compound, Zone 6, Brgy. Talaba 3, Bacoor City.
Ang unang alarma ay idineklara ng Bureau of Fire Protection (BFP) dakong alas-10:51 ng gabi at dahil sa malakas ang hangin, mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa umabot sa ikalawang alarma dakong alas-11:01 ng gabi
Umabot ng may mahigit sa 3-oras bago tuluyang naapula ang sunog na tumupok sa may 200 kabahayan na nagmistulang inferno sa lugar.
Ayon sa investigator ng BFP, inaalam pa nila ang posibleng pinagmulan ng apoy gayundin ang kabuuang halaga na natupok sa nasabing sunog.