IPINAKILALA ni Mary Underwood ang husband niyang si Joseph at dalawang anak na sina Aaron at Elizabeth kina Hiyasmin Dax at Mama Lira.
Sanay na sanay mag-Tagalog si Joseph Underwood at ganundin ang dalawang anak. Tinuruan sila ni Mary sa pagsasalita ng Tagalog o Filipino.
“Mahusay silang magsalita ng Tagalog kaya mag-eenjoy sila rito sa Pinas dahil alam na alam nila ang language,’’ sabi ni Mary.
“Nakakahanga ka Tita. Naturuan mo sila ng Tagalog,’’ sabi ni Hiyasmin.
“Na-inspire kasi ako rito sa Mama mo. Nung nasa Kuwait pa siya, matiyaga niya kaming tinuruan ng Tagalog kaya ganyan din ang ginawa ko sa aking asawa at mga anak. At alam n’yo, mas mabilis silang turuan kaysa sa akin,’’ sabi ni Mary at nagtawa.
“Madali ka rin namang natuto noong tinuruan kita noon, Mary,’’ sabi ni Mama Lira. “Natatandaan ko, ikaw pa nga nagyayaya sa akin na dun tayo sa bakuran magturuan ng Tagalog.”
“Oo natatandaan ko, Lira. Nakaupo tayo sa damuhan di ba?”
“Oo, Mary.”
Hiniling ni Mary na magkausap sila ng sarilinan ni Lira. Lumayo sila kina Hiyasmin, Dax at pamilya.
“Alam mo Lira, matagal kitang hinanap. Nag-research ako sa FB pero wala ang name mo. Nawalan ako ng pag-asa na magkikita pa tayo.”
“Wala akong FB account, Mary.”
“Mabait ang Diyos, Lara dahil dininig niya ang dasal ko na sana magkaroon ng way para tayo magkita. At sinagot ako ng Diyos—nakilala ko si Hiyasmin.”
“Hindi rin ako makapaniwala sa nangyari Mary.”
“Sa wakas nagkita rin tayo at maipagkakaloob ko na sa inyo ni Hiyasmin ang iniwang kayamanan ni Rashid. Alam na ni Hiyasmin kung gaano karami ang kayamanan na iniwan ng kanyang ama para sa inyo. Sabi sa akin ni Rashid noon, dito man lang daw ay makabayad siya sa inyong dalawa ni Hiyasmin ng mga pagkukulang.”
Itutuloy