May inside story pala kung bakit naudlot ang pagkaupo ni Brig. Gen. Jerry Protacio sa Police Regional Office 2 noong June 21. At sa tingin ng mga kosa ko, walang ibang dapat sisihin si Protacio kundi ang sarili. Kasi nga, hindi sinunod ni Protacio ang simpleng kautusan ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III, na kanyang kaklase sa PNPA Class ’93. Lumalabas na hindi nagpaalam si Protacio kay DILG Sec. Jonvic Remulla, bago ang kanyang turnover of command para palitan si PRO2 director Brig. Gen. Antonio Marallag Jr., na miyembro naman ng PNPA Class ’94. Ang kasalanan ni Protacio ay hindi siya makapaghintay at gusto pang palusutan si Torre, na ikinagalit ng huli.
Sa unang bugso ng reshuffle ni Torre, si Protacio ay ini-assign sa Information Technology Management Service (ITMS). Subalit dahil sa na-amend ang order na si Brig. Gen. Rogelio “Pojie” Peñones at na-reassigned sa PRO3, nagpalabas ng order ang DPRM na si Protacio na ang PRO2 director. Siyempre, natuwa naman si Protacio at sa wakas magiging RD na siya, ang minimithing posisyon ng lahat ng heneral. Ayon sa mga kosa ko, inabisuhan ng Camp Crame si Protacio na maghintay-hintay lang at aayusin ang mga pulitiko sa PRO2 para magiging maayos ang turnover nila ni Marallag. Kaya lang, excited si Protacio at sa pagmamadali ay nagtawag sa PRO 2 at inihanda ang kanyang turnover noong June 21.
Ang masaklap nito, nandun na si Protacio sa Camp Adduru sa Tuguegarao City umaga pa lang at may hakot na siyang family members at mga bisita sa turnover sana niya. Handa na rin ang mga pulis na magpaparada sa arrival honors niya. Kaya lang, bigla siyang tinawagan ni Torre at tinanong kung nagpaalam na siya kay Remulla. Ayon sa mga kosa ko sa Camp Crame, positibo ang unang tugon ni Protacio sa mistah niya. Subalit sa pag-urirat maigi ni Torre, umamin si Protacio na hindi pa siya nagpaalam kay Remulla, bilang respeto sa puwesto niya bilang DILG. Inutusan ni Torre si Protacio na ‘wag nang ituloy ang turnover. “Uuwi na lang ako Sir,” ‘yan ang huling namutawi sa bibig ni Protacio, ayon sa mga kosa ko.
Bilang kaparusahan sa kapangahasan niya, hindi naman ibinalik si Protacio sa ITMS, na sinalpakan sa kanya sa unang reshuffle. Imbes itinapon siyang deputy director ng Area Police Command sa Eastern Mindanao. Kung sabagay, mukhang sanay naman sa kamalasan si Protacio dahil, ayon sa mga kosa ko, nadeklara pala itong persona non grata sa Tagaytay City at maging sa Zamboanga Sibugay.
Si Marallag, na bata ni Ka Popong Felix, ay may order na bilang deputy ng Dorectorate for Operations sa Camp Crame. Mukhang bagyo sa mga pulitiko sa Region 2 si Marallag. Mapapalitan pa kaya siya? Abangan!