Nagtanan ang anak | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love,

Isa po akong ama na kasalukuyang sugatan ang puso at damdamin. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin lubos maisip kung paano nagawa ng aking anak ang bagay na matagal ko nang ipinagbabawal— ang magtanan.

Lumaki siya sa isang maayos na tahanan. Hindi kami perpekto pero hindi ko siya pina-laking kulang. Isang araw, nagising na lang kami na wala na siya. Iniwan ang sulat na puno ng pasensya at paliwanag, pero walang konkretong dahilan kung bakit kailangan niyang takasan ang sarili niyang pamilya para lang sumama sa lalaking hindi man lang humarap sa amin.

Pinipilit kong intindihin. Baka nga mahal niya, baka nga pinili niya ang puso niya. Pero paano naman kami? Nahihirapan akong magpatawad. Ayoko rin naman mawala siya nang tuluyan sa buhay namin. 

Pero sa ngayon, hindi ko alam kung saan ako magsisimula — sa paglimot ba o sa pag-unawa?

Tatay John

Dear Tatay John,

Walang mas lalalim pa sa sugat ng isang ama na pakiramdam ay tinalikuran ng sariling anak. 

Ang pagtatanan ay hindi tamang paraan, pero minsan ito ang desperadong hakbang ng mga kabataang natatakot harapin ang hindi nila naiintindihan mula sa magulang. 

Tanggapin mo ang sakit, pero huwag mong isara ang pinto. Hindi palaging pagkatalo ang pagtanggap. Minsan, iyon ang tanging paraan para muling mabuo ang tiwala.

DR. LOVE