MANILA, Philippines — Ipinatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xillian matapos ang pag-ban kay dating senator Francis Tolentino sa mga bansang sakop ng China.
Sa pahayag ni DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro, sinabi nito na pinatawag nila ang Chinese Ambassador para ipabatid ang pagkabahala sa ipinataw na parusa sa dating senador.
Bagama’t kinikilala aniya ng DFA ang pagpapataw ng nasabing mga parusa ay bahagi ng legal na karapatan ng China, iginiit ng Kagawaran na ang pagpapataw ng parusang politikal laban sa mga halal na opisyal ng bayan para sa kanilang mga opisyal na tungkulin ay hindi tugma sa prinsipyo ng paggalang at diyalogo na dapat umiiral sa pagitan ng dalawang pantay na soberanong bansa.
Ipinaalala rin ng DFA sa embahador ng China na bilang isang demokrasya, pinahahalagahan ng Pilipinas ang kalayaan sa pamamahayag.
Sa ilalim aniya ng Saligang batas, malinaw ang paghihiwalay ng kapangyarihan ng tatlong sangay ng pamahalaan, at tungkulin ng mga senador at iba pang halal na opisyal na magsagawa ng mga imbestigasyon sa mga usaping may kaugnayan sa pambansa at pampublikong interes.
Nanindigan din si Lazaro na ang anumang pagkakaiba ng pananaw ay dapat lutasin sa pamamagitan ng diplomasya at dayalogo.