MANILA, Philippines — Ligtas na nakatakas ang 17 tripulanteng Pinoy mula sa ginawang pag-atake sa kanila ng mga rebeldeng Houthi sa Red Sea noong Linggo.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ang naturang 17 Pinoy, kasama ang ilang Vietnamese at Romanian crew members, ay lulan ng isang bulk carrier at naglalayag malapit sa Yemen nang ilang maliliit na bangka, may lulang mga armadong lalaki, ang bigla na lang umatake sa kanila.
Gumanti naman umano ng atake ang security team ng barko, kaya’t nagkaroon ng pagkakataon ang mga tripulante na ligtas na makatakas. Sila ay nailigtas kalaunan ng isang dumaraang container ship.
Samantala, tiniyak ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang mga naturang Pinoy seafarers ay pawang ligtas na at kasalukuyang tumutuloy sa isang hotel sa Djibouti sa East Africa.