MANILA, Philippines — Mas pinaigting na ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa mga lugar na pinaniniwalaang pinaglibingan ng mga nawawalang sabungero, batay sa pahayag ng testigong si Julie Patidongan alyas “Totoy.”
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, may mga inilatag na seguridad upang maiwasang maapektuhan ang mga imbestigasyon sa mga lugar ng krimen, kasabay ng pagbibigay-proteksyon kay Totoy.
“Definitely there are some security (measures) being implemented, not only with respect to the personal security of alias Totoy, but also at the possible burial sites for the missing sabungeros,» pahayag ni Fajardo sa Camp Crame.
Sinabi ni Patidongan na ang mga bangkay ng sabungero ay itinapon sa palaisdaan sa Taal Lake, Batangas na umano’y inuupahan ng isa sa mga suspek. Ibinunyag din niyang hindi lang 34 ang biktima kundi posibleng umabot sa 108 katao.
Dagdag ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III, bukod sa Taal Lake ay may iba pang lugar na iniimbestigahan na posibleng pinagtapunan ng mga bangkay, batay sa testimonya ng mga saksi.
Samantala, inaasahan ng PNP na matatapos na sa loob ng linggo ang ulat kaugnay sa 15 pulis na isinasailalim sa restrictive custody dahil sa umano’y pagkakasangkot sa kaso.
Nakahanda rin ang PNP na magpadala ng technical divers kung kakailanganin ng DOJ sa paghahanap ng mga labi sa lawa.
Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni Patidongan na hawak niya ang dagdag na ebidensya laban sa dati niyang employer na si gaming tycoon Charlie “Atong” Ang, na siya umanong mastermind ng krimen.
Ibinunyag din ni Patidongan na tinatarget na siya ngayon ng mga death threat, kabilang ang isang larawan ng bulaklak na may nakasulat na “rest in peace” na ipinadala sa kanya online.