Barkong may 21 Pinoy na seafarers, inatake sa Red Sea; 4 patay


MANILA, Philippines — Apat na tripulanteng sakay ng barkong Eternity C ang nasawi matapos itong atakihin gamit ang drone at speedboat sa karagatan malapit sa Yemen, ayon sa isang opisyal na may kaalaman sa insidente, sa report ng Reuters. Karamihan sa mga tripulante ng barko ay Pilipino.

Sa kabuuang 22 sakay ng Eternity C, 21 ay mga Pilipino habang isa ay Russian national, ayon sa maritime security sources. Ayon sa mga ulat, ginamitan ng sea drones at rocket-propelled grenades mula sa speedboats ang naturang barko.

Nasa banyera na ngayon ang Eternity C at unti-unting lumulubog, dagdag pa ng mga source. May dalawang sugatan pang crew, ayon sa opisyal ng Aspides, ang European Union mission na tumutulong sa seguridad ng mga barkong dumaraan sa Red Sea. Isa pa umanong miyembro ng crew ang nasawi habang nasa barko matapos ang insidente.

Dalawang maritime security firms, kabilang ang Diaplous mula Greece, ang naghahanda ngayon ng rescue mission para sa mga crew na na-trap sa loob ng barko.

Sa isang pahayag nitong Martes, nanawagan ang Department of Migrant Workers sa mga Filipino seafarers na gamitin ang kanilang karapatang tumangging bumiyahe sa mga “high-risk, war-like” na lugar gaya ng Red Sea, kasunod ng pinakahuling serye ng pag-atake.

Sa Martes, kinondena ng International Maritime Organization Secretary-General na si Arsenio Dominguez ang panibagong karahasan: “Matapos ang ilang buwang katahimikan, ang pagbabalik ng ganitong klaseng pag-atake sa Red Sea ay isa na namang paglabag sa international law at kalayaan sa paglalayag. Mga inosenteng seafarer at lokal na komunidad ang direktang naaapektuhan.” — Ayon sa ulat ng Reuters via Interaksyon