MANILA, Philippines — Inihayag ni Philippine National Police chief Gen. Nicolas Torre III na sinisimulan na nilang suyurin ang ilang lugar sa Metro Manila, Laguna at Batangas kaugnay ng paghahanap sa mga labi ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Torre, pinagbabatayan lamang nila ang testimonya ng whistleblower na si Julie Patidongan o alyas “Totoy” na patay na ang mga nawawalang sabungero at inilibing sa Taal Lake.
“Mayroon na kaming mga iilan na binibisita. May mga areas kami not only around Laguna or Batangas but other parts of the Metro and of course in the underlying areas,” ani Torre.
Bagama’t tumanggi si Torre na tukuyin ang eksaktong lugar, tiniyak naman nito na nakatutok ang search teams sa mga lugar upang maprotektahan ang mga ebidensiya.
Patuloy din ang koordinasyon nila sa Department of Justice at sa National Police Commission (NAPOLCOM) para sa pagsasampa ng kasong criminal at administratibo laban sa mga sangkot.
Suportado rin nila ang desisyon ng DOJ na simulan na ang search and retrieval operations sa Taal Lake sa linggong ito subalit kailangan na ikonsidera ang paparating na bagyo.
