Kahit talo sa Wimbledon, Eala uuwi ng higit P6 milyon na premyo


MANILA, Philippines — Kahit na um-exit ng Wimbledon si Alex Eala nang maaga, tatanggap parin siya ng premyong milyon-milyon para lang sa pagsali.

Bagama’t natapos agad ang kampanya ni Eala sa unang round ng parehong singles at doubles competition, garantisado pa rin ang kanyang matatanggap na prize money mula sa prestihiyosong Grand Slam tournament.

Ayon sa opisyal na tala ng Wimbledon, ang mga manlalaro na umabot sa first round ay makakatanggap ng £66,000—katumbas ng humigit-kumulang P5.07 milyon.

Kung nakalusot sana siya sa second round, maaari sana siyang nakapag-uwi ng £99,000 o halos P7.6 milyon. Ngunit natalo siya sa unang round kontra defending champion na si Barbora Krejcikova.

Nakuha pa ni Eala ang unang set laban kay Krejcikova, 6-3, bago tuluyang nakuha ng kampeon ang laban sa mga sumunod na sets, 6-2, 6-1.

May dagdag pa sa doubles

Bukod sa singles, sumabak din si Eala sa doubles kasama ang German partner na si Eva Lys. Kahit natalo rin sila sa kanilang unang laban, makakakuha pa rin ang dalawa ng £16,500 bilang pares—katumbas ng halos P1.27 milyon.

Sa kabuuan, higit P6.3 milyon ang maiuuwi ni Eala mula sa Wimbledon ngayong taon.

Natalo sina Eala at Lys sa kanilang doubles match kontra kina Ingrid Martins at Quinn Gleason, 4-6, 2-6.

Ayon sa ulat ng BBC, kahit hindi manalo ng kahit isang laban, may garantisadong premyo pa rin ang mga manlalarong umabot sa first round ng tournament.

Premyong abot-langit

Ang kabuuang prize fund ng Wimbledon ngayong taon ay umabot sa £53.55 milyon o higit P4.11 bilyon, mas mataas ng £300,000 kumpara noong nakaraang taon.

Ang mga kampeon sa men’s at women’s singles ay mag-uuwi ng £3 milyon o halos P230.4 milyon, habang ang mga kampeon sa doubles ay tatanggap ng £680,000 o P52.2 milyon bilang pares.

Nasa quarterfinal stage na ang parehong singles at doubles divisions.

Samantala, tututok na muli si World No. 56 Eala sa kanyang susunod na laban sa National Bank Open sa Canada.  — Mula sa ulat ni Ralph Edwin Villanueva