Abby vs Nancy: Magkapatid na Binay nagtatalo sa Makati subway deal


MANILA, Philippines — Nanindigan si dating Makati Mayor Abby Binay na may sapat na pera ang lungsod para bayaran ang P9-bilyong settlement sa developer ng Makati subway project, sa kabila ng pagtutol ng kanyang kapatid at pumalit sa kanya bilang alkalde, si Nancy Binay.

Sa press conference noong Hulyo 10, sinagot ni Abby ang mga ulat na mauubos umano ang pondo ng lungsod dahil sa kasunduan.

“Hinding-hindi mababangkrap ang Makati dahil sa settlement na ito. Sa totoo lang, mas magiging matatag pa ang lungsod sa pananalapi,” aniya sa Ingles.

Sabi ni Abby, nasa P30 bilyon ang cash ng Makati nang siya’y bumaba sa puwesto, bukod pa sa assets na umabot sa P243 bilyon. Malayo aniya ito sa halagang kailangang bayaran sa Philippine Infradev Holdings Inc.

Kapalit ng bayad na P9 bilyon, mapupunta raw sa lungsod ang buong kompanyang may hawak ng subway project — kasama ang mga plano, test results, at iba pang asset.

Nancy Binay: Walang pondo sa budget

Pero giit ni Mayor Nancy, walang malinaw na pondo para sa settlement at hindi ito dumaan sa sapat na konsultasyon.

Nagpakita pa siya ng dokumento mula sa budget office ng lungsod na nagsasabing walang appropriated funds para rito.

Sagot ni Abby: “Hindi ibig sabihin na dahil wala sa 2025 budget ay walang pera and Makati para sa settlement.”

Paliwanag niya, hindi pa puwedeng mag-allocate ng budget hangga’t hindi aprubado ang kasunduan ng Singapore arbitration court at wala pang go signal mula sa COA at city council.

Paliwanag sa kasunduan

Pinili raw ng lungsod ang settlement para makaiwas sa mas malakihang bayarin — umabot umano sa $1.7 bilyon (halos P96 bilyon) ang dating claim ng developer.

Inihinto ang subway project matapos ilipat ng Korte Suprema sa Taguig ang ilang barangay kung saan nakaplanong dumaan ang subway.

Dagdag pa ni Abby, kung ayaw na ng kasalukuyang admin sa subway project, puwede pa rin itong ituloy sa ibang paraan o ibenta ang mga asset na makukuha mula sa kasunduan.

“Pwede naman ako tawagan ni Ate at tanungin privately,” ani Abby. “Pero tila hindi kalinawagan ang gusto ng mga tao sa paligid niya, pero ang pagbalik ng kadiliman.» — Ayon sa ulat ni Dominique Nicole Flores