Lisensiyadong online gaming operators sa Pinas, nanawagan ng mas matalinong mga regulasyon para protektahan mga Pilipino


MANILA, Philippines — Nagpahayag ng mahigpit na pagtutol ang mga lisensyadong online gaming operator sa isinusulong na pagpapatupad ng total ban laban sa online gaming sa bansa.

Sa isang pahayag na inilabas kahapon, nagkaisa at nanindigan ang mga ito, kasama ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at mga mambabatas, sa pagsasabing hindi ang total ban sa online gambling ang solusyon sa problema, kundi ang paglikha ng mas mahigpit at matalinong regulasyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipinong manlalaro at mapanatili ang pag-usbong ng ekonomiya ng bansa.

Nagbabala rin naman sila na ang ganap na pagbabawal sa online gaming ay hindi magiging epektibo sa pagpigil sa mga Pilipino sa paglalaro, bagkus ay lalo lamang nitong itutulak ang milyon-milyong Pilipino sa black market at higit pang mamamayagpag ang illegal operators.

Giit nila, hindi mabubura ng total ban ang online gaming dahil ang tanging matatanggal nito ay ang mga pananggalang na dapat sana ay magsisilbing proteksyon sa mga Pilipino.

“Malinaw ang katotohanan: magpapatuloy ang mga manlalaro na maglaro. Pipili lamang sila kung itutuloy nila ito sa mga lisensyado at ligtas na plataporma na sumusunod sa mga regulasyon, o sa itim na merkado–sa mga ilegal na site na walang pananagutan,” anang grupo.

Binigyang-diin rin nila na ang bawat pisong ginugugol sa lisensyadong plataporma ay nakatutulong at sumusuporta sa mga pampublikong serbisyo, na pinagkikinabangan ng publiko, kabilang na rito ang mga paaralan, ospital, at kalsada, at tumutulong na mapanatiling ligtas ang bawat pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng regulasyon.

Gayunman, kung mapupunta anila ang pera ng mga manlalaro sa illegal sites, ay mistulang ninakaw na ito mula sa komunidad, dahil didiretso na ito sa mga ilegal na operator na walang pakialam sa batas.

Nagbabala rin ang mga lisensyadong operator na malaki ang magiging epekto ng hindi pinag-isipang pagbabawal o ang pag-aalis ng mga lehitimong payment channel dahil libo-libo ang mga taong mawawalan ng trabaho, at ibibigay ang buong merkado sa ilegal na mga site.

“Sa halip na mga pagbabawal na magtutulak sa mga manlalaro na magtago, nanawagan ang industriya sa mga mambabatas na patatagin ang mga patakarang epektibo: maging mas mahigpit sa beripikasyon ng edad at identidad, linawin ang mga limitasyon para sa mga manlalarong at risk, patatagin ang mga pananggalang ng anti-money laundering, pabilisin ang pagsasara ng mga ilegal na site ng hindi lisensyadong operator, at palawakin pa ang edukasyon ng mga mamamayan tungkol sa karapatan bilang panlalaro at responsableng paglalaro,” anila.

Giit pa ng grupo, “Maging malinaw tayo: hindi kalaban ang online gaming na may maayos na regulasyon. Ang tunay na banta ay ang pag-usbong ng mga ilegal na operator na inuuna ang kita kaysa ang kapakanan ng mga Pilipino. Hindi takot ang mga legal na operator sa mas mahihigpit na patakaran; ang katotohanan, malugod nila itong tinatanggap. Ang kinatatakutan nila ay ang pagsuko ng kinabukasan ng digital na espasyo sa itim na merkado. Ito ang mas delikado.”

Muli rin namang pinagtibay ng mga lisensiyadong online gaming operator ng bansa ang kanilang pangako na makipagtulungan sa pamahalaan, mga regulator, at mga komunidad upang matiyak na ang online gaming ay nananatiling ligtas, malinaw, at may tunay na benepisyal para sa sambayanang Pilipino.

Ang naturang pahayag ay nilagdaan ng mga lisensiyadong online gaming operators sa Pilipinas na kinabibilangan ng World Platinum Technologies Inc., AB Leisure Exponent, Inc., Total Gamezone Xtreme, Inc., Gamemaster Integrated, Inc., Lucky Taya Gaming Corp., Stotsenberg Leisure Park & Hotel Corporation, Igo Digital High Technology Inc., Megabet Corp., Gavin Ventures Inc., Gotech Entertainment Inc., Meta Interactive Software Solutions, Inc., Nextstage Entertainment Inc., Webzoid System Solutions Corporation at Trojan Wells Entertainment Corp..