MANILA, Philippines — Simula Hulyo 1, mas mataas na ang buwis na kinokolekta mula sa interes ng mga pangmatagalang savings at deposits sa bangko gaya ng time deposit, ayon sa mga major banks sa bansa.
Ito ay kasunod ng pagpapatupad ng Republic Act 12214 o Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA), na layong gawing mas simple at patas ang buwis sa mga kita mula sa mga financial investment.
Kinumpirma ng Metrobank, UnionBank at Security Bank na lahat ng interes mula sa peso at dollar deposits — kabilang ang time deposits — ay papatawan na ng 20% final withholding tax, anuman ang tagal ng deposito.
Time deposit, mas mataas na ang kaltas
Dati, walang buwis ang mga peso time deposit na higit sa limang taon, pero ngayon ay kasama na rin ito sa 20% buwis.
Ganoon din sa mga dollar time deposit at iba pang foreign currency accounts — mula sa dating 15% na buwis, ginawa na ring 20%.
Ayon sa UnionBank, lahat ng peso long-term deposit simula Hulyo ay papatawan na ng flat 20% tax, kapalit ng dating paiba-ibang buwis depende sa tagal ng investment.
Halimbawa, dati ay:
- 0% kung lampas 5 taon
- 5% kung 4–5 taon
- 12% kung 3–4 taon
- 20% kung mas mababa sa 3 taon
Sa bagong sistema, lahat ay may 20% buwis, basta’t ipinasok simula Hulyo 1.
‘Di apektado ang lumang deposito
Nilinaw ng mga bangko na hindi apektado ang mga deposito na inilagak bago ang Hulyo 1. Mananatili ang dating buwis sa mga iyon hanggang sa maturity o takdang petsa ng pagkuha.
Kung may valid na tax exemption mula sa Bureau of Internal Revenue, mananatili rin ang tax-free status.
Layunin ng batas. Ayon sa Metrobank, makikinabang ang mga indibidwal at institusyonal na investor sa reporma dahil mas magiging simple at predictable na ang tax system.
Sinabi naman ng Security Bank na ang CMEPA ay hakbang patungo sa patas at modernong sistema ng buwis sa pananalapi, na tumutugma sa pandaigdigang pamantayan. — Mula sa ulat ni Keisha Ta-Asan
