MANILA, Philippines — Sinagot ni Philippine National Police (PNP) chief Nicolas Torre III ang isang netizen na nagbiro at nagduda sa isang litrato niya habang nakaturo sa shooting target, kasabay ng pagbubukas ng bagong firing range ng pulisya.
Ang litrato ay unang lumabas sa Facebook page na “Tambayan ng PULIS,” na nag-ulat tungkol sa pagbubukas ng bagong firing range sa Camp Crame noong Hulyo 4.
Isang netizen ang nagkomento sa post: “Inuuto mo na naman sarili mo, hahahaha,” na tila pinagdududahan ang resulta ng barilan.
Hindi ito pinalampas ni General Torre: “Magkano pusta mo, ulitin ko ‘yan sa harap mo?” ang sagot niya.
May isa pang netizen na sumang-ayon at nagsabi, “Binutasan lang ‘yon para kunyari natamaan niya, hahaha,” na sinagot din ni Torre ng parehong hamon.
Nag-post pa ang PNP chief ng screenshot ng mga komento at tinawag sa pangalan ang isa sa mga basher:
“Kenneth Morales, Hehehehe, magkano pusta mo, ulitin ko ‘yan sa harap mo? Kahit piso mo, manalo barko, call ako.”
Sa isa pang tugon, binanggit niya ang isang babaeng netizen:
“Trisha Joy, Ma’am, paki-call ng attention ng BF mo sa pustahan namin. Hanap din kayo ng financier. Hehehe!”
Naibahagi rin ang insidente sa Reddit community na “r/pinoy,” sa isang post na may pamagat: “General Torre Calls out troll.” — Mula sa ulat ni Jeline Malasig / Interaksyon
