WALA pa ring pagbabago sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Nananatili pa rin ang mga kawatan. Mayroon pa ring mga airline staff na hindi mapagkakatiwalaan. Hindi pa rin nawawala ang mga nag-iinteres sa mahahalagang gamit ng pasahero.
Kalahating milyong pisong halaga ng mga alahas ang nawala sa pasaherong si Kimberly Nakamura noong Hunyo 28 sa NAIA-Terminal 3. Patungo sa Singapore si Nakamura. Ayon kay Nakamura nawala sa kanyang bag ang jewelry box na naglalaman ng wedding ring, diamond necklace at earrings. Nasa Singapore na umano siya nang mapansin na nawala ang kanyang mga alahas. Pagkalipas ng limang araw, bumalik siya mula Singapore at nireport sa Manila International Airport Authority (MIAA) ang pagkawala ng kanyang mga alahas. Walang natagpuan sa lost and found section ng NAIA.
Sampung airline staff ang inimbestigahan at napatunayang pinagpasa-pasahan ang mga alahas. Isang empleyado ang umamin na iniuwi sa bahay ang jewelry box. Noong Hulyo 8, narekober ang mga alahas subalit kulang na ang mga ito. Tanging ang hikaw at kuwintas umano ang narekober, ayon kay Nakamura. Iniimbestigahan pa ang pangyayari.
Marami nang pagnanakaw sa pasahero ang nangyari sa NAIA. Noong Pebrero 2023, ninakawan ng 20,000 yen ang pasaherong Thai national. Dalawang babaing opisyal ng Office of Transportation Security (OTS) ang sangkot. Noong Setyembre 2023, isang babaing security officer ng OTS ang nilunok ang $300 bills na ninakaw niya mula sa paalis na Chinese.
Noong Marso 2023, isa pang OTS security screening officer ang nahuling ninanakaw ang relo ng isang pasaherong Chinese.
Noong Abril 2018, isang Japanese national ang ninakawan ng dalawang tauhan ng OTS sa NAIA Terminal 3. Ninakaw sa Japanese na si Yuya Sakata na galing Sydney, Australia ang kanyang wallet na may lamang 2,700 Australian dollars.
Ilang taon na ang nakararaan, ninakawan naman ng mga alahas ang asawa ng Turkish ambassador nang dumalaw sila sa Pilipinas.
Nakakahiya ang nangyayaring pagnanakaw ng mga tauhan ng airport sa mga pasahero. Sa halip na mapaganda ang imahe ng Pilipinas sa mga dayuhan at turista ay lalong sumasama dahil sa hindi magandang karanasan sa NAIA. Nararapat maparusahan ang mga empleyadong kawatan. Hindi sila dapat pamarisan. Wala nang dayuhang magtutungo sa bansa kung sa NAIA pa lamang ay mayroon nang nag-aabang na mga magnanakaw.
