165,000 kulang na classrooms ipalutas sa mga kongresista


NU’NG 2016 kulang na ang DepEd ng 55,000 classrooms. Makalipas ang 12 taon trumiple pa ang shortage. Nga­yong 2025 kulang na ng 165,000 sa buong bansa, ayon kay Edu­cation Sec. Sonny Angara.

Sinuri ni Sen. Sherwin Gatchalian ku’ng saan pinakagrabe ang kakulangan. Nabatid niya na ito’y sa Metro Manila at Southern Tagalog mainland. Lumobo kasi ang populasyon ng National Capital Region. Gayun din ang Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon. Nasa dalawang rehiyon kasi ang malalaking negosyo at pabrika, kaya doon dumadagsa ang mga tao para maghanapbuhay.

Kailangan ng P415 bilyon para makapagtayo ng 165,000 classrooms. Pero ang taunang budget ng DepEd para sa konstruksyon ay P20 bilyon lang. Ang masaklap du’n ay nilalakihan ng Kongreso ang budget ng Public Works, kasi nandu’n ang malaking kickbacks. Tinatapyasan ang sa Edukasyon.

Nito ngang 2025 national budget, binawasan ng Kongreso ang P749 bilyon na hiningi ng Malacañang para sa Edu­kasyon. Naging P737 bilyon na lang. Pero ang orihinal na Public Works budget na P825 bilyon ay dinagdagan ng P289 bilyon. Naging P1.114 trilyon. Labag ito sa Konstitus­yon na nag-uutos na ilaan sa Edukasyon ang pinakamalaking bahagi ng national budget.

Ano ang solusyon sa kakulangan ng classrooms?

Singilin ng mamamayan ang kani-kanilang kongresista. Kutsain nila ang mga ito na mangalap ng pondo para pambili ng lupa na pagtatayuan ng school buildings. Sabihan sila na magpatulong sa mga kamag-anak nilang gobernador at mayor.

Tapos ilaan nila ang Public Works pork barrels sa school buildings. Mahiya naman silang manghingi pa ng kumisyon sa kontratista. Mahiya sila na kulang ang classrooms sa dis­trito nila.