Paninindigan ni Tulfo sa hanay ng unipormado


SA panahon kung kailan tila napapagitna sa pag-aalinla­ngan ang tiwala ng taumbayan sa mga opisyal ng pamahalaan, may iilang tinig na bumabangon hindi upang magpasikat, kundi upang manindigan para sa mga madalas ay nananahimik.

Isa na rito si Senador Raffy Tulfo hindi na bago sa eksenang pampubliko, ngunit laging bago ang sigasig niyang ipagtanggol ang karaniwang tao, lalo na ang mga miyembro ng uni­formed services na madalas ay inaasahan ngunit naka­kalimutang pakinggan.

Kamakailan, muling pinatunayan ni Tulfo na hindi lamang siya “Mr. Action” sa telebisyon kundi tagapagsulong ng hustisya sa loob ng Senado.

Sa kanyang maanghang ngunit makatwirang pananalita, ipinagtanggol niya ang kapakanan ng mga pulis, sundalo, at iba pang kawani ng gobyerno na unipormado ang mga taong nagsusugal ng buhay araw-araw, ngunit kadalasang hindi nasusuklian ng sapat na suporta at pagkalinga.

Hindi takot si Tulfo na kastiguhin ang mga opisyal na nag­papabaya. Sa kanyang paninindigan, hindi lang niya bini­bigyang boses ang hinaing ng mga nasa ibaba pinipilit din niyang ilagay sa harap ng publiko ang mga pagkukulang ng sistema. 

Para kay Tulfo, ang tunay na serbisyo ay hindi lang umi­ikot sa pagbalangkas ng batas, kundi sa paninigurado na ang bawat Pilipino lalo na yaong mga naglilingkod sa bayan ay may dignidad at ginhawa sa kanilang propesyon.

Ang kanyang aksyon ay tila sampal sa mukha ng mga namumuno na nananatiling manhid sa hirap ng kanilang mga tauhan. Ang kanyang mga salita ay hindi lang protesta ito’y paalala na ang pamahalaan ay dapat maglingkod, hindi mamahala lamang.

Maituturing natin si Tulfo bilang isa sa kakaunting lider na hindi natatakot makipagbuno sa sistema para sa kapa­kanan ng mga naaapi. Sa panahong maraming opisyal ang tahimik o abala sa pagpapabango ng pangalan, siya ay boses ng katotohanan at pagkakalinga.

Maging ito nawa’y panawagan sa mas marami pang mam­babatas na sa halip na magbulag-bulagan, matuto kay Tulfo: kumilos, manindigan, at higit sa lahat, makinig.