Bubot na Bayabas (8) | Pilipino Star Ngayon


“Basta maghintay ka lang at isang araw ipakikilala ko sa’yo ang sinasabi kong babae,’’ sabi ni Kit.

“Maganda?”

“Oo.”

“Makakasundo ko?”

“Oo. Diyakpat ka kapag nakilala mo.”

“Talaga ha?”

“Maniwala ka sa akin, Pareng Apol.”

“Pero kakaunti pa ang ipon ko. Baka hindi pa ma­kasapat.”

“Okey na yun. Ang mahalaga ay mayroon kang bahay at lupa. Maganda rin ang trabaho mo. Hindi na kahiya-hiya sa magiging asawa mo kung sakali.”

“Tagasaan ba ang babae na ipakikilala mo?”

“Basta hintay ka lang.”

“Sige bahala ka. Pero ti­yakin mo lang na karapat-dapat at maipagmamalaki.”

Nagtawa si Kit.

“Tala­gang na­pa­kapili mo, Pareng Apol. Hindi ako magtataka kung tatandang binata ka.”

“Ayaw ko lang kasing mabigo sa pag-aasawa. Alam mo naman, marami ngayon na ang pag-aasawa ay na­­uwi sa hiwalayan. Meron pa nga nagkaanak na nang ma­rami saka naghiwalay.”

Napatangu-tango si Kit.

“Gusto ko lang ay maging maayos ang pagpapamilya. Kaya nga gusto ko, mara­ming ipon.”

“Okey Pareng Apol. Sige inom pa tayo.”

Uminom pa sila.

Kung anu-ano pa ang napagkuwentuhan.

Naubos nila ang Black Label.

 

Totoo ang mga sinabi ni Apol na kung mag-aasawa siya, gusto niya ay maraming ipon na pera. Hindi yung sapat-sapat lang. Ayaw niyang makaranas ng hirap ang itatayong pamilya.

Hanggang maisip niya ang ipakikilalang babae ni Kit. Ano kayang itsura? Ano kayang natapos? Ano kayang background ng pamilya?

(Itutuloy)