Dating reporter, inatado ng taga habang natutulog


MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 68-anyos na dating reporter ng broadsheet nang  pagtatagain ng kainuman habang natutulog sa Sitio Wawa, Brgy., San Rafael, Montalban, Rizal, kamakalawa ng madaling araw.

Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa Ynares ospital ay kinilalang si Norberto Javier (Bert Javier) dating Manila Bulletin reporter,na ngayon ay barangay tanod at nakatira sa nasabing lugar.

Agad naman naaresto ang suspek na si Victor Enavia y Erandio, 33-anyos, negosyante, residente ng Sitio Sapa sa lugar.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, bago naganap ang krimen, alas-4:40 ng madaling araw ay kapwa lasing na ang suspek at biktima na nag-inuman sa tindahan ng una.

Sa sobrang kalasi­ngan ay nakatulog ang biktima at sa hindi pa malamang kadahilanan ay kinuha ng suspek ang itak at pinagtataga ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan.

Nakita ng isang concern citizen ang pangyayari kaya’t tumawag ito sa pulisya na mabilis na rumesponde sa lugar ang naaresto ang suspek.

Nanawagan naman ang pulisya sa mga kamag-anak o pamilya ng biktima dahil wala itong kaanak sa lugar.