MANILA, Philippines — Umaabot sa 40 barangay sa lalawigan ng Oriental Mindoro ang lumubog sa baha dulot ng malalakas na pagbuhos ng ulan na nagpaapaw sa mga ilog, ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) nitong Huwebes.
Sa report sinabi ni Vicente Gajol, Chief ng PDRRMC, ang mga binahang barangay ay kinabibilangan ng Calapam City; ang kapitolyo ng lalawigan; mga bayan ng Baco, Puerto Galera, San Teodoro, Naujan, Pola, Victoria, Socorro at Gloria.
Ang Calapan City ang may pinakamaaas na bilang ng mga binahang barangay na nasa 14 ang bilang; pangalawa ang bayan ng Naujan na nasa 8 habang pitong Barangay naman sa Pola.
Sinabi ng opisyal ang tubig baha sa ilang mga apektadong lugar sa lalawigan ay umabot sa tatlo hanggang apat na talampakan.
Sa Calapan City, hindi naman madaanan ang Strong Republic Nautical highway dahilan sa mataas na tubig baha sa Brgy. Bucayao at Panggalaan.
Nitong Miyerkules ng gabi ay itinaas ng PAGASA ang Red Heavy Rainfall Warning sa ilang lalawigan at dito’y kabilang ang Oriental at Occidental Mindoro gayundin ang lalawigan ng Romblon.
Patuloy ang isinasagawang rescue operation partikular na sa mga residenteng na-trap ng mataas na tubig baha sa kanilang mga tahanan at namahagi rin ng relief goods ang lokal na pamahalaan.
