Sa BOC: Hindi lang tirador pati mga amo papanagutin


NAPAKARAMING reklamo at kontrobersiya sa Ninoy Aquino­ International Airport Terminal 3. Mula sa nawawalang bagahe, nakukumpiskang kontrabando, hanggang sa mga alegasyon ng “lagayan” hindi na kataka-taka kung bakit kailangang maghigpit ng sinturon ang pamahalaan.

Natutuwa ang mga kuwago ng ORA MISMO, dahil may sinipa na naman sa Bureau of Customs sa NAIA Terminal 3. Siyam daw na tauhan ang sinibak pansamantala dahil sangkot sa extortion. Kung totoo ang mga paratang, tama lang ‘yan. Pero ang tanong: hanggang saan ang linis? Hanggang tauhan lang ba o pati mga nakaupo sa itaas?

Sa mga ahensyang tulad ng BOC, matagal nang bukambibig ang lagayan, palusot, at “tara system”. Alam ‘yan ng madla. Kaya hindi kailangang paikut-ikutin pa kung may guma­galaw sa baba, tiyak may nakatingin o nakikinabang sa taas.

Sabi nga, hindi nabubuhay ang mga “tirador” kung walang “panginoon”.

Kaya sa usapin ng “command responsibility” hindi sapat na tanggalin lang ang maliliit. Dapat may pananagutan din ang mga opisyal na nagpabaya sa problema. Kung may tiwaling sistema, hindi lang kamay ang may dumi minsan, mismong ulo ang ugat ng bulok.

Kung totoo ang sinasabi ng BOC na seryoso sila sa pag­lilinis, sana walang sasantuhin. Hindi sapat ang relief order. Dapat tuluy-tuloy ang imbestigasyon. Dapat may pangalan, may kaso, at kung kinakailangan, may tanggalan ng ranggo. Kasi kung hindi, mauulit at mauulit lang.

At huwag kalimutan: hindi lang ito tungkol sa loob ng ahensiya. Ang epekto nito, ramdam ng bawat OFW na umuuwi, bawat pasaherong dumaraan sa NAIA, at bawat negosyanteng nagpapasok ng produkto. Kung bulok ang BOC, apektado ang ekonomiya. Apektado ang tiwala ng bayan.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, hindi masama ang maghigpit. Ang masama, kung pinipili lang ang paghihigpitan. Kaya sa halip na puro papogi sa press release, mas mainam kung maramdaman ng publiko ang tunay na pagbabago hindi sa salita kundi sa gawa. Sabi nga, hinintay pa ang isang Ariel Nepomuceno bago mangyari ito! Ano ba ‘yan?

DISKLAYMER:  Ang opinyong ito ay mula sa isang mala­yang mamamahayag na nagnanais ng pagbabago at hustisya. Wala itong kaugnayan sa anumang institusyong pam­pamahalaan o pansariling interes.