HINDI pa absuwelto si Vice President Sara Duterte kahit pa pinigil at dineklara ng Supreme Court na “unconstitutional” ang articles of impeachment na inihain ng House of Representatives. Ibig sabihin, may pagkakataon pa at maaring maghain ng motion for reconsideration. Subalit maaari lamang i-refile ang impeachment case sa Pebrero 6, 2026 o walong buwan mula ngayon.
Ayon sa Supreme Court sa inilabas na ruling noong Biyernes, “null and void” ang Articles of Impeachment laban kay Sara dahil sa one-year bar rule. Nalabag umano ang karapatan nito sa due process. Ayon pa sa SC, tatlong impeachment complaint ang isinampa kay Sara noong Disyembre 2024 na lahat ay may kaugnayan sa diumano’y maling paggamit ng mga pondo. Apat na reklamo sa impeachment ang inendorso ng higit sa 1/3 ng mga mambabatas na kanilang sinumite sa Senado.
Sabi ng mga eksperto sa batas, kahit daw dineklara ng SC na labag sa Constitution ang ginawang paghahain ng impeachment case ay maari naman daw ipagpatuloy ng Senado ang impeachment hearing. Maaari raw igiit ng Senado ang kanilang kapangyarihan lalo pa’t may kinalaman ang isyu sa impeachment.
Subalit magkakaroon lamang ito ng katuparan kung magkakaroon ng political will ang mga senador na tatayong huwes sa paglilitis. Ibig sabihin, nakadepende ito sa pagkakaisa ng mga senador. Kung magkakaroon ng suporta at magkakaroon ng sapat na numero, maaari raw ipagpatuloy ang paglilitis kay Sara.
Mukhang mahirap mangyari na magkaisa at magkaroon ng numero sa Senado para maituloy ang impeachment. Bago pa ang paglabas ng ruling ng SC, ilang beses na nabago ang petsa ng impeachment trial. Kahit nakasaad sa Constitution na dapat aksiyunan agad ang impeachment complaint ay hindi ito sinunod ng Senate president.
Subalit sino ba ang maaaring makapagsabi. Walang nakaaalam kung ano ang iniisip ng mga senador. Baka bigla silang magkaisa at ituloy na ang impeachment trial na noon pa inaabangan ng mamamayan. Sa survey, 70 percent ang nagsabi na dapat idaos ang impeachment at harapin ito ni Sara.
Sana mangyari ito.