COTABATO CITY, Philippines — Nasa kustodiya na awtoridad ang isang municipal councilor na umamin sa pamamaril at pagpatay sa kanyang kaibigan na popular na vlogger sa Barangay Umangay sa Patikul sa Sulu nitong gabi ng Sabado.
Sa ulat nitong Lunes ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, sumuko nitong Linggo, July 27, si Mumarzhen Mañalas Suhuri, incumbent municipal councilor ng Patikul, kay Sulu Vice Gov. Hadji Abdusakur Tan, Sr. matapos niyang mapatay ang kanyang matalik na kaibigan na sikat sa kanilang probinsya na social media content producer na si Mohammad Mukzan.
Ang etnikong Tausug na si Mukzan, mas kilala bilang “Doofz” at kawani ng provincial office sa Sulu ng Ministry of Social Services and Development-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ay sikat sa kanyang kampanya, gamit ang Facebook, sa pagpapanatili ng mga tradisyunal na kaugaliang naglalayong magkaisa at magtulungan ang mga Tausug sa probinsya para sa kapayapaan at kaunlaran.
Unang nanawagan si Tan, na mataas ang katungkulan sa multi-sector Sulu Provincial Peace and Order and Council, at ang mga opisyal ng iba’t ibang units sa probinsya ng PRO-BAR kay Suhuri na sumuko matapos siyang ituro ng mga saksi na siyang pumatay kay Mukzan gamit ang isang .45 caliber pistol.
Lumalabas na palabas na si Mukzan mula sa isang coffee shop sa isang beach resort sa Barangay Umangay sa Patikul at patungo na sana sa kanyang motorsiklong nakaparada sa tapat ng naturang establisimyento upang uuwi na sa kanilang tahanan sa Jolo, kabisera ng Sulu, nang lapitan ni Suhuri at paputukan ng ilang beses ng kanyang bitbit na .45 caliber pistol.
Ayon sa mga municipal at provincial officials sa Sulu, nagkaroon ng tampuhan ang matalik na magkaibigan na sina Mukzan at ang nakakulong si Suhuri, magkaibigan at magkapatid ng turingan sa bawat isa, bago naganap ang naturang madugong insidente.
