Bahay ng presidente ng contractor, grinanada


MANILA, Philippines — Niyanig ng malakas na pagsabog ang compound ng tahanan ng isang Pangulo ng mga lokal na kontraktor matapos hagisan ng granada ng riding-in-tandem sa Lantawan, Pasonanca, Zamboanga City nitong Lunes ng madaling araw.

Sa report ng Zamboanga City Police, nagulantang ang mga residente sa lugar matapos ang malakas na pagsabog sa nasabing lugar dakong alas-3 ng madaling araw. 

Hindi naman tinukoy ng pulisya ang pagkaka­kilanlan ng nasabing presidente ng lokal na kontraktor sa lungsod.

Base sa nakalap na surveillance video ng mga awtoridad, dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo ang pansamantalang huminto sa lugar. 

Ilang saglit pa hina­gisan ng granada ang compound ng tahanan ng target saka mabilis na tumakas sa lugar. 

Napinsala ang unahang bahagi ng bakuran ng nasabing opisyal, salaming bintana at maging ang ilan sa mga tanim nitong halaman.