DMW: 9 Pinoy seafarers, hawak ng Houthi rebels


MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na nasa siyam na Pinoy seafarers ang hawak ngayon ng mga rebeldeng Houthi.

Ang mga naturang tripulanteng Pinoy ay lulan ng Liberia-flagged vessel na MV Eternity C, na inatake ng mga naturang rebelde habang dumaraan sa Red Sea noong Hulyo 8 at malaunan ay lumubog sa karagatan.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, mismong ang mga pamilya ng mga marino ang nag-imporma sa kanila na nakatanggap sila ng tawag mula sa mga ito.

Nasa maayos naman aniyang kalagayan ang mga naturang tripulante.

“Right now, as it stands, under the circumstances, they have told their families that they are in good condition,” ayon kay Cacdac.

“On their where­abouts, we will have to defer to the DFA (Department of Foreign Affairs) on those matters, but thus far, we have no knowledge of their precise whereabouts,” aniya pa.

Matatandaang nasa 22 tripulante ang lulan ng barko nang atakihin ng mga rebelde, 21 ang mga Pinoy habang dayuhan naman ang isa pa.

Walo sa kanila ang una nang nailigtas sa rescue teams matapos na magpalutang-lutang sa karagatan at ligtas nang naiuwi sa bansa noong Hulyo 16.

Ani Cacdac, base sa salaysay ng mga nakaligtas na tripulante, tatlo pa nilang kasamahan ang nasawi sa pag-atake ngunit ­biniberipika pa ito ng DMW dahil hindi pa natatagpuan ang kanilang mga bangkay.

Patuloy umanong nawawala ang isa pa.